Jailbreak sa Mandaluyong pakana ng drug syndicate
MANILA, Philippines - Hinihinalang pakana ng isang sindikato ng iligal na droga ang naganap na pagtakas ng 10 preso sa Mandaluyong City detention cell kamakalawa makaraang pangunahan ng isang grupo ng mga bilanggo na nahaharap sa kaso sa iligal na droga ang paglagari sa rehas.
Kahapon ng madaling araw, isa sa 10 preso na nakilalang si Valentino Gianan, nahaharap sa isang maliit na kaso, ang kusang-loob na sumuko sa pulisya habang patuloy pang pinaghahanap ang siyam na kasamahan nito.
Kabilang sa mga tumakas sina Melgar Quinones, Rommel Abarca, Reynaldo Eligo, Henry Andrade, Rolando Palmenco, Gabriel Gonzales, Mark Aguja, Joel Capuli, at Mark Loui.
Sinabi ni Sr. Supt. Armado Bolalin, hepe ng Mandaluyong City Police, na pinangunahan nina Eligo, Palmenco at Capuli, pawang may kaso sa iligal na droga, ang paglagare at pagpuga kung saan hinikayat ang mga kasamahan.
Sinabi ni Gianan na wala naman siyang intensyon na tumakas ngunit nang makita na isa-isang lumalabas ang mga kasamahan at nang mahatak ay sumama na rin siya. Nagtungo siya sa bahay ng kanyang tiyahin kung saan hinikayat siya ng mga kaanak na agad na sumuko upang hindi na lumaki ang kanyang kaso.
Isinailalim naman sa preventive suspension ang hepe ng Investigation Section ng Mandaluyong police na si Chief Insp. Numeriano Gabuiya dahil sa “command responsibility” habang maaaring maharap sa kasong administratibo ang iba pang mga bantay na pulis ng detention cell.
Nagdududa naman si Bolalin sa katwiran ng mga pulis na hindi nila napansin ang pagtakas ng 10 preso sa pagitan ng alas-11 at alas-12 ng tanghali dahil sa abala umano sila sa pag-iimbestiga sa mga hawak na kaso habang abala naman ang mga bantay sa pag-inspeksyon sa mga dumarating na dalaw.
- Latest
- Trending