MANILA, Philippines - Kapwa hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang taxi driver at pasahero nitong babae makaraang mabangga ang kanilang sinasakyan ng isang rumaragasang sports utility vehicle (SUV) sa kahabaan ng C5 Road sa Pasig City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang mga nasawi na sina Florentino Eusebio at ang pasahero nitong si Maria Concuelo Magnaye.
Nagtamo naman ng sari-saring pinsala sa katawan ang nakabanggaan na sina Maybeline Perez, driver ng Mitsubishi Fusion at isang Rene Baitan, driver naman ng nadamay na motorsiklo.
Sa ulat, sinabi ni Perez na minamaneho niya ang Mitsubishi Fusion (ZKD-845) dakong alas-7:50 ng umaga patungong southbound sa taas ng C5 flyover sa Brgy. Bagong Ilog nang mawalan siya ng kontrol sa manibela at bumangga sa isang poste ng ilaw.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, nagpaikut-ikot ang SUV at mapagawi sa kabilang lane kung saan nasalpok naman ang paparating na taxi na kinalululanan nina Eusebio at Magnaye.
Hindi rin naman nakaiwas ang kasunod na motorsiklo na minamaneho ni Baitan na bumangga rin sa mga nakahintong behikulo sanhi upang sumemplang ito.