Misis dedo kay mister

MANILA, Philippines - Hinihinalang sariling mister ang nakapatay sa isang 46-anyos na ginang, na nadiskubreng patay sa loob ng kanilang bahay, sa Baseco Compound, Port Area, Maynila,  kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Carmelita Tabin Cayetano, vendor, ng Block 15, Baseco Compound, Port Area, habang tinutugis  ng mga awtoridad ang asawa nitong si Elpidio Cayetano alyas “Pido”, 46, mangingisda.

Batay sa ulat ni PO1 Francisco Mendoza, ng Manilla Police District-Ho­micide Section, dakong 1:30 ng hapon nang madiskubre ng binatilyong anak ang bangkay ng ina sa loob ng kanilang banyo.

Ayon sa anak, nakita niya ang pagtatalo  ng mga magulang at pinalabas umano siya ng bahay.

Nang maisipang bumalik  ay wala na umano siyang narinig na pag-aaway kaya tuluyan siyang pumasok ng bahay suba­lit nabigla nang makitang walang buhay ang ina na nakahandusay at naliligo sa sariling dugo.

Nagpasaklolo ang bi­natilyo sa kanilang kapit­bahay na nag-report sa barangay executive offi­cer  na si Ben Tantoco.

Nakitaan ng mga sugat sa kaliwang bahagi ng mukha at ulo ang bangkay ng biktima na pinaniniwalaang inuntog sa pader ng banyo.

Posibleng selos o pera umano ang ugat ng pag-aaway ng mag-asawa, na kadalasang naririnig sa kanila sa tuwing nagtatalo. Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.

Show comments