Financial consultant, itinumba

MANILA, Philippines - Paghihiganti ang nakikitang motibo sa naganap na pamamaslang sa isang financial consultant na iginapos at pinagbabaril sa loob ng bahay nito ng mga hindi nakilalang salarin na pawang nakasuot ng bonnet, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Jose Martinez Jr., 42, ng Road 7 Corner Road 9, GSIS Hills Subdi­vision, Brgy. 164, Caloocan City.

Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, naganap ang pamamaslang pasado alas-2 ng mada­ling araw.  Ayon kay Maricel Retita, live-in partner ng biktima, nagising siya nang makarinig ng mga putok buhat sa kuwarto ng kinakasama.

Pupuntahan sana ni Retita ang kuwarto ng biktima subalit pagbukas ng pinto ay nakita ng una ang mga suspect na naging dahilan upang muling isara ang pintuan at magkulong sa loob ng kuwarto.

Tinangka pa ng mga suspect na buksan ang pinto ng kuwarto ni Re­tita subalit nabigo ang mga ito kaya napi­litang magsitakas. Tina­ngay pa ng mga salarin ang Honda CRV (XSN-668) at cellular phone ng biktima at ilang importanteng dokumento.

Nang wala na ang mga suspect ay tumawag sa mga kaanak si Retita na tumawag naman ng mga pulis. Nadatnan ng mga pulis ang bangkay ng biktima na nakagapos ang mga kamay  at paa habang nag-iwan ng mensahe ang mga suspect sa dingding ng kuwarto na may nakasaad na “Hayop ka Jojie Stapador”.

Nagsasagawa na ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung saan tinitignan ang posibilidad na awayan sa negosyo ang motibo ng krimen.

Show comments