Gym instructor, tiklo sa karnap
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group-National Capital Region (PNP-HPG-NCR) ang gym instructor ng Fitness First matapos itong ireklamo ng carnapping sa operasyon sa Quezon City kamakalawa, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang inarestong suspect na si Pual Joshua Corpuz, 28 , binata , gym instructor ng Fitness First ABS-CBN branch na matatagpuan sa kahabaan ng Mother Ignacia Avenue ng lungsod. Sinabi ni Espina na si Corpuz ay inaresto malapit sa gym na pinagtuturuan nito sa nasabing lugar bandang alas-2:30 ng hapon.
Ang suspect ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rizalina Capco-Umali ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng paglabag sa Republic Act 6539 o ang anti carnapping act of 1972.
Sa rekord ng korte, kinuha umano ng suspect ang Honda Civic (GSV 155 ) na pag-aari ni Wendy Puyat noong Pebrero 12, 2012 nang walang permiso sa huli.
Samantala, hindi pa nakuntento ay ibinenta pa ni Corpuz sa isang taga-Batangas ang nasabing behikulo.
Gayunman nang ang behikulo ay i-apply ng clearance para sa paglilipat sa bagong may-ari nito sa tanggapan ng PNP-HPG noong Oktubre 18,2010 ay inimpound na ito matapos na matukoy na kabilang ito sa listahan ng nakaalarmang nawawalang mga sasakyan.
Kasalukuyan nang nakaditine ang suspect sa tanggapan ng PNP-HPG-NCR para sa kaukulang dokumentasyon bago ito iturn-over sa korte kaugnay ng kinakaharap nitong kasong kriminal.
- Latest
- Trending