MANILA, Philippines - Upang matakasan ang mga pulis na umaaresto sa kanya ay pumasok sa isang bahay at saka hinostage ng isang kilabot na miyembro ng robbery hold-up gang ang isang pamilya kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Kinilala ang suspek na si Jeffrey Fayo, 32, binata, residente ng Blk. 28, Mabuhay Homes, Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal.
Hindi naman nasaktan ang mga hinostage na sina Ricardo Cruz, 46, asawang si Vivian at ang 17-anyos na si Cristine, pawang residente ng Ramos Cmpd. Brgy. Rosario Pasig City.
Ayon sa report, ang hostage drama ay nagsimula dakong alas-10:00 ng gabi kung saan ay nakatakdang ihain ng pulis Pasig ang apat na warrant of arrest laban sa suspek.
Tumakas umano ito at pumasok sa bukas na bahay ng mga biktima at saka hinostage ang pamilya gamit ang kalibre .45 baril. Tumagal ng apat na oras ang negosasyon kung saan sumuko ang suspek ganap na alas-2:00 ng madaling-araw.