MANILA, Philippines - Muling nalusutan ng mga kilabot na holdaper ang mga tauhan ng Pasay City Police makaraang matagumpay na looban ang isang lending company, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Nabatid sa ulat na nakarating sa Southern Police District, naganap ang panloloob dakong alas-3 ng hapon sa GN Mega Golden Lending Corp. na nasa ikatlong palapag ng Carmen Bldg. sa Buendia Ave., Pasay.
Abala sa kani-kanilang trabaho ang mga kawani na sina Emalyn Ribleza, accountant; Ronelo Maceda, asst. secretary, Joevert Palma at Richie Arcadio, pawang mga customer service representative, nang biglang pumasok ang tatlong armadong lalaki at nagpahayag ng holdap.
Sinamsam ng mga salarin ang may P48,000 cash na nasa drawer ni Ribleza, mga personal na gamit at pera at pati ang isang laptop computer.
Ikinulong muna ng mga holdaper sa loob ng palikuran ng tanggapan ang naturang mga empleyado at binantaan na huwag lalabas kung ayaw nilang mamatay. Nang matiyak na nakaalis na ang mga suspect, nagpasyang lumabas ang mga biktima at humingi kaagad ng tulong sa mga pulis.