Dinukot na American national pinalaya
MANILA, Philippines - Pinalaya ng isang kidnap-for-ransom gang ang dinukot na babaeng American national at ang driver nito makaraang magbayad umano ng ransom money, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Pinakawalan sa isang bakanteng lote sa Brgy. San Roque, Marikina dakong alas-11 ng gabi ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang biktimang si Aiko Moore, 27, estudyante, at ang driver nitong si Benjalim Narido, 23, ng West Rembo, Makati City.
Nagtamo si Moore ng mga pasa at galos makaraang puwersahang kaladkarin ng mga kidnaper habang nagtamo naman ng sugat si Narido nang paluin ng matigas na bagay sa ulo.
Sa salaysay ni Narido sa Marikina City Police, lulan sila ng kanyang among si Moore sa minamanehong Honda Civic (TKI-325) sa may Amorsolo St., Pasong Tamo, Makati City nang bundulin ng isang motorsiklo ang likuran ng kanilang behikulo. Dito bumaba si Narido upang komprontahin ang nakabangga ngunit agad siyang pinalo sa ulo at saka kinaladkad pabalik sa kotse.
Minaneho ng isa sa apat na kidnaper ang kotse makaraan silang piringan saka tinawagan ang negosyanteng mister ni Aiko na si James Edward Moore II at humingi ng ransom na P15 milyon. Dito bumaba ang negosasyon sa P6 milyon ngunit ipinasama ang dalawang Rolex watch at 10 Breitling platinum watch na may kabuuang halagang P3.2 milyon.
Pinaiwan ng mga kidnaper ang naturang pera at alahas sa isang lugar sa Green Meadows Subd. sa Pasig City. Matapos na makuha ang ransom, dinala ng mga salarin ang dalawang dinukot sa Marikina City saka pinakawalan habang inabandona ang sasakyan sa may Marikina riverbanks sa Brgy. Barangka.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Marikina City Police sa Makati City Police kung saan naganap ang kidnapping upang magkatulungan sa isinasagawang imbestigasyon.
- Latest
- Trending