Mag-asawang Claudine at Raymart kinasuhan ni Tulfo
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng patung-patong na kasong kriminal ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo sa Pasay City Prosecutor’s Office ang mag-asawang sina Raymart Santiago at Claudine Barretto dahil sa pambubugbog umano sa kanya sa loob ng Ninoy Aquino International Airport 3 kamakalawa.
Kasong physical injuries ang isinampa ni Tulfo laban sa mag-asawa kasama sina Eduardo Atilano, at ilan pang hindi nakikilala.
Bukod dito, kinasuhan rin ng grave coercion ni Tulfo si Raymart nang pilitin umano na agawin ang kanyang cellular phone na kanyang ginagamit sa pagkuha ng litrato at video kay Claudine.
Personal na sinumpaan ni Ramon Tulfo, panganay sa apat na magkakapatid na broadcaster na Tulfo, ang kanyang reklamo sa tanggapan ni Asst. City Prosecutor Johnny Ompong.
Dinamay rin ni Tulfo sa kanyang reklamo ang ilang airport security personnel na humawak umano sa kanya habang kinukuyog ng grupo ni Santiago.
Sa kanyang sinumpaang-salaysay, muling iginiit ni Tulfo na siya ang unang sinugod ni Raymart nang makitang kinukunan niya ng litrato ang misis na si Claudine na nagmumura sa isang staff ng paliparan.
Samantala, nagbigay naman ng sariling pahayag sa Pasay City Police ang mag-asawang Santiago. Linggo ng gabi nang magtungo ang dalawa sa istasyon ng pulisya kung saan muling iginiit ni Raymart na una niyang tinanong si Tulfo kung bakit kinukunan ng video ang asawa at pangisi-ngisi umano ito. Iginiit nito na si Tulfo ang unang sumuntok sa kanya na dahilan ng kaguluhan.
Muling nanawagan ang mag-asawa sa NAIA na ilabas ang buong video footage ng pangyayari upang mabatid kung sino ang nagsimula ng kaguluhan.
- Latest
- Trending