MANILA, Philippines - Isang 41-anyos na delivery boy ang nasawi sa sunog na naganap sa pagawaan ng furnitures sa panulukan ng Buenavidez St. at C.M. Recto Ave. sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Nicasio Pason, stay-in, sa factory na matatagpuan sa #1303 C.M. Recto cor. Buenavidez St., Sta. Cruz.
Ayon kay SFO2 Emmanuel Gaspar, ng Manila Fire Department, nakulong sa apoy ang biktimang si Pason, nang sumiklab ang apoy dakong ala-1:56 ng madaling-araw.
Sinasabing nakalabas na ng factory ang mga trabahador at si Pason nang bumalik ang huli upang isalba ang kanyang mga gamit. Dahil sa gawa sa light materials naging mabilis ang paglaki at pagkalat ng apoy.
Bandang 3:36 ng madaling-araw nang ideklarang fire out ang sunog na umabot sa ika-apat na alarma at tinatayang nasa P1milyon ang halaga ng natupok.
Sa inisyal na impormasyon, posibleng sa electric overload ang sanhi ng sunog, bagamat hindi pa kumpirmado dahil patuloy pa ang pagsisiyasat.