Holdaper bulagta sa shootout: 1 timbog, 2 pa nakatakas
MANILA, Philippines - Bulagta ang isa sa apat na umano’y mga holdaper nang makipagpalitan ng putok sa mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District (MPD) habang arestado naman ang isa, sa naganap na holdapan sa isang internet shop, sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang suspect na inilarawan sa edad na 25-34, may taas na 5’3’’ hanggang 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na maong short pants, may tattoo na “Francis Elijah” sa dibdib, “Rannie” sa kanang kamao at “Bahala na Gang” sa likod ng kanyang katawan.
Nakapiit naman sa MPD-Station 10 (Pandacan) ang isa pang suspect na kinilalang si Arbie John Frogoso, 18, residente ng #2760 Old Panaderos St., Sta. Ana, Maynila, sa kabila ng pagtanggi na hindi siya kasama sa humoldap at hindi niya kilala ang napaslang.
Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide section, dakong alas-3:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Alley 2 kanto ng Old Panaderos St., Sta. Ana, Maynila.
Nauna rito, dakong alas-2:15 ng madaling-araw nang pasukin at holdapin ng apat na kalalakihan ang Mouse Mazed computer shop na matatagpuan sa #1985 Pedro Gil St., Sta. Ana, Maynila at tinangay ang kinita ng shop at kagamitan ng mga kliyente nito.
Nang makalabas na ang mga suspect ay itinawag ni Eleonor Lopez, may-ari ng computer shop, sa nasabing presinto ang insidente na agad namang nirespondehan ng Anti-Crime Unit sa pamumuno ni SPO1 Orlando Senal.
Paparating pa lang ang mga pulis nang agad na paputukan sila ng mga tumatakas na suspect kaya ginantihan ng putok at tinamaan sa dibdib ang isa, habang nasakote naman ang isa pa at ang dalawa ay nakatakas.
Narekober ang isang kalibre .38 baril na gamit umano ng napatay na suspect.
- Latest
- Trending














