MANILA, Philippines - Bala ang ibinayad ng isang tricycle driver sa isang 42-anyos na lalaki na naningil lamang ng pautang na P200 sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Idineklarang dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Abelardo Viray Jr., ng #2186 Topacio St., San Andres Bukid na nagtamo ng bala sa kanang bahagi ng katawan mula sa sumpak ng suspect na si Marvin Lagbunan, 42, miyembro ng Bahala na Gang, at residente ng #2171 Crisolita St., San Andres Bukid.
Nabatid na agad namang nadakip ng mga barangay tanod at ilang opisyal ng Barangay 797 Zone 87 ang suspect na isinuko sa MPD-Homicide Section.
Naganap ang insidente dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang puntahan ng biktima ang suspect sa bahay nito at hiningi ang P200 na ipinadala ng isang alyas “Lily”.
Dinatnan ng biktima ang suspect na nakikipag-inuman kung kaya’t hiningi ng una sa huli ang P200 subalit sumagot lamang ang suspect na naibili na niya ng beer.
Nauwi sa mainitang pagtatalo ang paniningil hanggang sa suntukin umano sa mukha ng biktima ang suspect kaya’t kinuha naman ng huli ang sumpak at ipinutok sa biktima.