2 holdaper dedo sa shootout
MANILA, Philippines - Dalawa sa limang kalalakihang holdaper ng pampasaherong dyipni ang bumulagta matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Isa sa dalawang napatay ay may edad na 35-40, may taas na 5’4’’ hanggang 5’5’’ talampakan, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na T-shirt, puting shorts, itim na sandal, may tattoo ng Yoyong, Dereck, Natoy sa likod ng katawan.
Habang ang isa naman ay may edad na 30-35, may taas na 5’3’’ hanggang 5’4’’ talampakan, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay puting T-shirt, gray na maong pants, tattoo na Jonamies sa kanang dibdib at Sputnik sa kanang tuhod.
Sa ulat ni SPO1 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, nang naganap ang insidente sa harapan ng FVJ Studio sa panulukan ng Remedios Street, at Taft Avenue.
Sinabi ng driver ng pampasaherong jeepney (TWT-848) na si Rogel Sablan, sumakay ang limang lalaki at agad nagdeklara ng holdap sa mga pasahero at kinolekta ang mga cellphone at mahalagang gamit.
Nang mapansin ng mga nagpapatrulyang operatiba ng Anti-Crime Unit ng MPD-Station 5 ni P/Senior Insp. Rolando Lorenzo ang komosyon sa loob ng dyipni ay kaagad na hinarang ang sasakyan at sinita ang limang lalaki kung saan pinasusuko.
Dito na nagpulasan palabas ng sasakyan ang mga holdaper kung saan nauwi sa shootout ang insidente.
Nabasag naman ang salamin ng La Mesa Inasal at tanggapan ng Board Walk. Narekober naman sa dalawang napatay ang cal. 38 revolver, shoulder bag at P3,000 cash.
- Latest
- Trending