MANILA, Philippines - Sabit na naman sa hulidap ang mga tauhan ng Manila Police District-Station 5 nang maghain ng reklamo ang dalawang Muslim vendor na kinuhanan umano ng P150,000 nang sitahin sa isang checkpoint, sa bahagi ng Malate, Maynila, may ilang linggo na ang nakalilipas.
Batay sa ulat ni PO3 Donald Panaligan ng MPD-GAS, ipinagharap na nila ng reklamong robbery extortion sa Manila Prosecutor’s Office sina SPO2 Christopher Llanez, PO3 Carlos Rivera at PO1 Jaycee John Galutera, na itinuturong responsable umano sa pagtangay ng nasabing halaga mula sa complainants na sina Malic Hakim, 32, vendor ng Palanca St., San Miguel, Maynila at Larry Sultan, 35, vendor ng San Miguel, Maynila.
Sinabi ng mga biktima na ang pera ay puhunan at kinita ng kanilang mga paninda at hindi nagmula sa iligal na gawain kaya nang sitahin sa checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng helmet ay hindi naman umano tama na kumpiskahin at hindi na isoli sa kanila ang pera.