5 katao bulagta sa holdap
MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang isang pulis ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos makipagbarilan ang grupo ng holdaper sa mga alagad ng batas sa Quezon City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni QCPD director P/Chief Supt. Mario dela Vega ang nasawing pulis na si PO3 Erwin Hipolito, 50, may-asawa, nakatalaga sa QCPD Station 5; Ramilo Due, 49, ng Sampaloc Ext., Lawan, Quezon City at ang tatlong holdaper na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Sugatan naman si PO1 Syril Agitong ng QCPD Station 5 na ginagamot sa FEU Hospital; at Gerry Igama, 49, may-asawa, nagtatrabaho sa upholstery, ng #696 Tandang Sora, Quezon City.
Ayon sa ulat ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang holdapan dakong alas-5:30 ng hapon sa kahabaan ng Regalado Ave. sa Brgy. North Fairview.
Base sa ulat ni SPO2 Antonio Galauran Jr., nagdeklara ng holdap ang mga di-kilalang kalalakihan sa pampasaherong jeepney ni Due kung saan natangayan ng mga gamit at cash ang apat na pasahero nito habang binabagtas ang north bound line ng Regalado Avenue.
Dito na namataan ni Due ang nagpapatrolyang mobile car kaya mabilis nitong inihinto ang kanyang jeepney saka humingi ng saklolo.
Gayon pa man, nairita ang mga holdaper kaya pinagbabaril ang driver na si Due kung saan nagpulasan naman palabas ng jeepney ang mga pasahero.
Kaagad na sumiklab ang putukan sa pagitan ng mga pulis at grupo ng armadong holdaper kung saan bumulagta ang tatlong holdaper habang napatay naman si PO3 Hipolito.
Samantala, dalawa sa limang holdaper naman ang nakatakas habang nagaganap ang barilan.
- Latest
- Trending