Pumatay sa pulis QC, todas sa shootout

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki na sinasabing responsable­ sa pamamaril at pagpatay sa isang pulis-Quezon City makaraang pumalag ito at makipagpalitan ng putok sa mga umaarestong alagad ng batas sa lungsod Quezon kamakalawa.

Kinilala ni Supt. Mike Ma­capagal, hepe ng Quezon City Police District-Station 9, ang nasawi na si Charlie Belardo at itinuturong bumaril at nakapatay kay SPO1 Ivan Rey Atellano, kamakailan.

Sinasabing nangyari ang insidente sa may Camia St., Extension Alley 3, Brgy. Old Capitol Side ganap na alas-9:30 ng gabi. Diumano, matapos makum­pirma ng tropa ng PS9 na si Belardo ang suspect sa pagpatay kay Atellano­, agad na tinungo nila ang pinagtataguan nito subalit nang tangka nang arestuhin ay pumalag ito at pinaputukan ang mga awtoridad.

Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga operatiba at makalipas ang ilang minutong palitan ng putok ay nasawi si Belardo. Ayon pa kay Macapagal, may ilan pang mga kasamahan si Belardo na kanilang pinaghahanap.

Matatandaang binaril at napatay si Atellano habang papasakay ng tricycle sa Si­ka­tuna Bliss, Brgy. UP Campus, Quezon City.  

Show comments