Lolo dedo sa suntok
MANILA, Philippines - Patay ang isang 60-anyos na karpintero makaraang bigyan ng mala-Pacquiao na suntok ng isang retiradong Air Force official sa simpleng hindi pagkaka-unawaan sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon kay PO3 Ernesto Corpuz ng Quezon City Police District Station 1, ang biktima ay nakilalang si Rolando Escarmoso, ng Brgy. Salvacion sa lungsod.
Arestado naman ang suspect na si JC Estrella, retiradong technical sergeant ng PAF ng #163 Iba St. Brgy. Salvacion sa lungsod.
Base sa inisyal na ulat ni Corpuz, nag-ugat ang nasabing insidente nang sitahin ng biktima si Estrella sa pagsasabing “Baka mag-inom na naman kayo mamaya dito,” na hindi nagustuhan ng huli.
Sa puntong ito, sinagot ng suspect ang biktima ng katagang “Ikaw matanda ka, namumuro ka na sa akin,” kasabay ng isang malakas na suntok sa panga ng matanda na ikinabuwal nito.
Nabatid na matapos mabuwal ay tumama pa ang ulo ng biktima sa semento dahilan para mabagok at mawalang ng malay.
Naisugod pa sa Jose Reyes Memorial Hospital ang biktima pero dakong ala-1:45 ng madaling-araw ay idineklara rin itong patay.
Sa follow-up operation naman ng barangay official at tropa ng PS1 ay nadakip ang suspect at itinurn over sa Camp Karingal.
- Latest
- Trending