2 pulis-kotong sinuspinde
MANILA, Philippines - Inutos ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang pagsuspinde sa dalawang pulis na nakatalaga sa MPD-Station 5 na isinangkot sa kasong hulidap laban sa dalawang Koreano noong Abril 7 sa Malate, Manila.
Sa utos ni MPD Director P/Chief Supt. Alex Gutierrez, pinasususpinde nito sina PO2 Reynaldo Faller Olivo, 37, ng Blk. 5 Lot 11, Model Community sa Tondo, Manila at PO1 Vincent Paul Ubaldo Medina, 26, ng #2253 F. Muñoz St., Singalong, Malate, habang isinasagawa ang summary dismissal proceedings laban sa kanila.
Makaraan ang ilang araw, isang Hapones naman na si Iwasaki Kinitchi, 53, ang nagreklamo laban sa dalawang pulis na bumiktina sa kanya sa Makati City noong Holy Week.
Nabatid na kinikilan nina Olivo at Medina si Kinitchi ng P115, 000 kapalit ng kanilang kalayaan sa kasong illegal stay.
Kamakalawa ay muling kinilala si Medina na isa sa 8-pulis na nag frame-up sa turistang Hapones na si Yukiya Haga sa kasong rape nang mabigo itong magbigay ng P1 milyon.
Dinala nina PO1 Ronald Flores at PO1 Medina ang biktima sa Ermita PNP Station 5 at kinasuhan ng rape laban kay Raquel “Brenda” Eustaquio.
Walong pulis-Maynila ang sinasabing nagpapalitan at nakikipag-usap sa Hapones upang magbigay ng P1 milyon.
Maging si PO2 Sol Peruda ng Women and Children Protection Center na nagpa- follow-up ng pera sa Hapones upang hindi na maisampa ang kasong rape.
Tiniyak naman ni Lim kay Haga at kay Japan Embassy Vice Consul Yoshikazu Narisawa na mabibigyan ng kaukulang aksiyon ang reklamo.
- Latest
- Trending