MANILA, Philippines - Sa gitna pa ng karamihan ng tao sa isang Plaza sa Las Piñas City binaril at napaslang ang isang dating barangay chairman sa lalawigan ng Cavite, kamakalawa ng hapon.
Agad na nasawi dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo at katawan ang biktimang si Ramon Ignacio 52, ng Zapote 3, Bacoor Cavite. Mabilis na tumakas ang suspect patungo sa San Isidro, Zapote makaraan ang pamamaslang.
Sa ipinadalang ulat ni Chief Insp. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente dakong alas-4:05 ng Hapon sa Zapote Plaza, Las Piñas.
Ayon sa testigong si Richard Suliman, bigla na lamang umanong sumulpot sa likuran ni Ignacio ang gunman at hinablot ang suot na t-shirt nito bago pinaputukan sa ulo at katawan ng hawak na armas.
Inilarawan ni Suliman ang salarin na nakasuot ng kulay orange na t-shirt, maong pants at nakatakip ng panyo ang mukha na tinatayang nasa pagitan ng 40 hanggang 45 anyos at kaswal lamang na naglakad patungo sa San Isidro St.
Dahil na rin sa pagkabigla, hindi pa makapagbigay ng pahayag sa pulisya ang asawa ng biktima na si Imelda, 43, upang makilala ang suspect at malaman ang motibo sa pamamaslang.