Obispo, Baseco residents nagalak sa itatayong simbahan
MANILA, Philippines - Hindi pa man naitatayo ang simbahan ay lubos na ang naging kasiyahan ni Bishop Roderick Pabillo at mga residente ng Baseco Compound sa Tondo, Maynila matapos na mag-donate si Manila Mayor Alfredo Lim ng 1,000 sq. meters na lupa dito.
Itatayo ang simbahan sa likod ng Cory Aquino High School na ipinatayo din ni Lim upang mabigyan ng maayos at libreng high school ang mga estudyante.
Ang lot donation ay bahagi ng ginawang pagbisita ng alkalde kasabay ng paggunita ng `Earth Day’ sa lungsod kabilang na ang pagpapalaganap sa pagbibigay ng proteksiyon sa kapaligiran at pagtitipid.
Dito ay pinangunahan ni Lim ang pagtatanim ng mangrove at `nilad’ plants at pagkakaroon ng commitment signing para sa malinis na Baseco.
Kabilang din sa mga dumalo sina chief of staff at media bureau director Ric de Guzman, department of public service chief ret. Col. Carlos Baltazar, sanitation division chief Atty. Amando Tetangco gayundin ang mga hospital directors na pinangungunahan nina Dr. Ted Martin ng Jose Abad Santos General Hospital, Dr. Vangie Morales ng Ospital ng Maynila, Dr. Edwin Perez ng Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center at Dr. Mario Lato ng Sta. Ana Hospital at barangay chairman Kristo Hispano.
Nagpasalamat naman si Pabillo sa alkalde sa pagpapatayo ng mga elementary at high school para sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Samantala, nanawagan din si Lim sa mga residente na labanan ang pananabotahe ng ilang sektor kung saan sinisiraan ang mga ospital sa Maynila sa pagsasabing walang doktor o gamot sa mga ito.
“Nakakalungkot na hanggang ngayon ay may mga nananabotahe sa ating mga ospital kaya sana ay tulungan ninyo kami na mahinto ang ganitong gawain. Kunin n`yo ang pangalan ng mga nagsasabing walang doktor o walang gamot para ating maaksyunan dahil walang katotohanan `yun,” dagdag pa ni Lim.
- Latest
- Trending