Seaman sinapian, vendor tinodas
MANILA, Philippines - Isang bulong umano ang nagsilbing hudyat sa isang dating seaman upang saksakin at mapatay nito ang isang vendor kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Inoobserbahan habang nakakulong si Elmer Guerrero, 56, ng no. 97-A Romualdez St.Magsaysay Village,Tondo,Maynila, matapos na pagsasaksakin si Rolando Guerrero, 57, ng no. 97 Aguinaldo St. Magsaysay Village, Tondo. Idineklara itong dead-on- arrival sa Tondo General Hospital.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronald Gallo,ng MPD-homicide section, nangyari umano ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa harap ng isang meat shop na pag-aari ng kapatid ng suspect na si Jocelyn.
Kasalukuyang naroon din ang biktima na nagpapalit ng pera.
Nang makita ng suspect ang biktima ay agad itong nilapitan at walang sabi-sabing sinaksak ng dalawang ulit.
Nang makita ng anak ng biktimang si Joselito ang ginawa ng suspect ay kaagad itong tumakbo papunta sa suspect na mabilis namang nagtatakbo sa loob ng kanilang bahay at nagkulong.
Kaagad naman isinugod sa hospital ang biktima, habang humingi naman ng tulong si Jocelyn kay Bgy. Chairwoman Cherry Rovilla,ng Brgy 100,Zone 8 na siyang kumumbinsi sa suspect na sumuko.
Ibinigay naman ng suspect ang patalim na ginamit kay Rovilla, na noon ay nakitang nakaupo sa isang sulok ng ikalawang palapag ng kanyang bahay.
Ayon sa suspect, may bumubulong sa kanya na saksakin ang biktima na kanya namang sinunod.
Sinabi naman ni Jocelyn na kapatid ng suspect, may history ng “mental illness” ang kapatid at naipasok na ito sa Mental Hospital.
- Latest
- Trending