MANILA, Philippines - Ilang oras lamang ang nakalipas matapos makipag-away ang anak, natagpuang patay at tadtad ng saksak ang ama nito na pedicab driver, sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Sr.Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na si Gregorio Alcantara, 56, ng Bldg.8 Room 221 Permanent Housing, Vitas,Tondo.
Suspect sa pagpatay ang isang Ernesto “Toto” Bucad, ng Bldg. 10, Permanent Housing, Vitas, Tondo.
Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan, dakong alas-6:00 ng umaga nang matagpuang nakalugmok at tadtad ng saksak sa katawan ang biktima sa harap ng Bldg. 4 at Bldg. 8 ng nasabing gusali.
Nabatid na nakaaway ng anak ng biktima ang suspect kamakalawa ng gabi at kahapon ng umaga ay nakita na lamang na walang buhay ang biktima.
Ilang residente ang nakapagsabi sa imbestigador ng pangalan ng suspect, na nakaaway mismo ng anak ng biktima.
Hinihinalang ang naging away ng anak ang sanhi ng pagresbak sa biktima matapos hindi na ito lumutang pa sa lugar ang suspect.