Sandra Cam, sinungaling

MANILA, Philippines - Tinawag na sinu­ngaling ng isang ba­rangay chairman si jueteng whistle blower Sandra Cam matapos na sabihin umano nito na hindi sila pumayag na magsagawa ng gift giving sa Baseco Compound, Tondo, Maynila si dating pangulong Joseph Estrada.

Ayon kay Bgy. Chairman Kristo Hispano ng Brgy. 649 Zone 5, mali na pulitikahin siya lalo na si Manila Mayor Alfredo Lim na walang kaalam-alam sa isyu.

Ayon naman kay chief of staff at media bureau director Ric de Guzman walang kato­tohanan ang pahayag ni Cam at maaari namang mamigay ang mga ito kahit araw-araw kung tunay na para sa mga mahihirap ang kanilang intensiyon at huwag na lang haluan ng pamumulitika at kasinu­ngalingan.

Sinabi ni de Guzman na wala ring alam si Lim sa ginawang bi­gayan sa Baseco at hindi rin nakakausap ni Hispano ang alkalde.

Paliwanag naman ni Hispano, kabilin-bilinan umano ni Lim na alalayan at tulungan ang pulitiko, NGO o sinuman na magbibigay ng tulong sa mga tao sa Baseco.

Lumilitaw na hindi umano personal na pumunta sa barangay si Cam, kundi isang ‘Connie­’ ang tumawag sa kanyang Secretary na si  Wendy Hilag at nagtanong kung ubrang magamit ang  covered court para sa gift-giving ni Estrada.

“Walang sinabi ang sekretarya na di sila pinahihintulutan. Ang ipinaliwanag ng sekretarya ay may nauna nang naka-schedule na gagamit ng court. Five months ago pa ’yun naka set eh sila nagpapa-set three days before nila kailangan. Gagamitin ’yung covered court para sa meeting sa programang ‘Linis Coastal Bay’ na dinaluhan ng iba’t-ibang government agencies kagaya ng DENR at DILG at pati na Congressman,” ayon pa kay Hispano. 

Itinanggi rin ni  Hispano ang pahayag ni Cam na naipagawa ang covered court ng ba­rangay dahil kay Senator Jinggoy Estrada.

Ang pagkakaalam niya, kagawad pa lamang siya noon nang ipagawa ni Barangay Chair Tere­sita Lumagpoc ang court na kinuha ang pondo sa bud­get ng barangay mismo­.

Show comments