Mister inutas sa birthday party

MANILA, Philippines - Napaslang ang 34-anyos na mister makaraang ratratin ng mga riding-in-tandem sa kanyang kaibigan na nagdaraos ng birthday party, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Umaabot sa 13 bala ng baril ang tumapos sa buhay ni James Pardo, dating nakatira sa #1950 Tramo St. sa nabanggit na lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulis-Pasay, naganap ang krimen dakong alas-11:40 ng gabi sa may Tramo. 

Nabatid na dumalo sa inuman sa birthday party ng kaibigan ang biktima kung saan ilang minuto ay lumabas ng bahay para bumili ng yelo.

Habang naglalakad, dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo ang huminto sa tapat ng biktima kung saan ito pinagbabaril.

Habang nakabulagta ang biktima sa kalsada, sunud-sunod pang pinaputukan ito ng gunman saka mabilis na tumakas matapos makatiyak na hindi na mabubuhay.

Hihilingin naman ng pulisya ang kopya ng kuha ng close circuit television (CCTV) camera na nakalagay sa Barangay Hall sa Tramo kung saan malapit ang crime scene na posibleng makilala ang gunmen.

Show comments