6 patay sa CAMANAVA

MANILA, Philippines - Mistulang hindi mapigilan ng Northern Police District (NPD) ang pagsiklab ng krimen sa nasasakupan makaraang anim katao kabilang ang isang babae ang pawang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pananaksak at pamamaril umpisa kamakalawa ng gabi.

 Sa ulat na nakalap sa NPD, unang nasawi si Ariel Reluso, 45, ng Pinagsabungan, Brgy. Longos, nang pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin sa may P. Borromeo St. ng naturang barangay.

 Sa Caloocan City na nasa ilalim ni Sr. Supt. Jude Santos, tatlong krimen ang naitala sa magdamag.  Nasawi dakong alas-11:45 kamakalawa ng gabi si Rodel Roncales, 32,ng Phase 5-A Bagong Silang, nang pagsasaksakin ng isang grupo ng lalaki sa loob ng isang videoke bar sa naturang lugar.

 Halos magkasabay namang nasawi dakong alas-2 ng madaling-araw sina Barry Jay Robledo, 19, ng Lanzones St., Potrero, Malabon at Edward Reyes, alyas Kirat, 29, ng 5th Ave., Caloocan.

 Nabatid na unang nakipagsuntukan si Robledo sa suspect na si Gio Ivan Dacubios, 17, na kanyang tinalo.  Ngunit may dala palang panaksak si Dacubios kung saan ilang ulit na inundayan ng saksak si Robledo hanggang sa masawi ito at nadakip ang suspect. 

Naglalakad naman sa M.H. Del Pilar St. si Reyes nang harangin ng hindi nakilalang salarin at sunud-sunod na inun­dayan ng saksak.

 Sa Brgy. Longos, Malabon City, naglalakad si Monica Mesina, 32, kasama ang mga barkada, nang sumulpot ang hindi nakilalang salarin at pinagbabaril ito. Isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay.

 Sa Daang Banco, San Roque, Navotas City, nakatayo sa kanto dakong alas-12:45 ng madaling-araw si Red Wine Mondejar, negosyante ng gulay, nang lapitan ng salarin at paputukan ng malapitan. Agad ding namatay ang biktima.

Show comments