2 miyembro ng Acetylene Gang timbog
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng acetylene gang na gumagawa ng tunnel patungo sa target nilang lugar na pagnanakawan ang naaresto matapos maaktuhan sa isang imburnal ilang hakbang ang layo sa target na pawnshop na kalapit lamang ng Police station sa Galas, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Supt.Norberto Babagay,hepe ng Quezon City Police Station 11 ang mga naarestong suspect na sina Reggie Balakwa, 19, at Brandon Paltek, 26, kapwa minero na mula sa La Trinidad,Benguet.
Nakatakas naman ang apat pang suspect na nakilala lamang sa mga alyas na James,Ronald, Jordan at George.
Ganap na alas 2:10 ng madaling-araw nang madakip ang mga suspect sa may Sunshine Pawnshop na pag-aari ng isang Ma. Elizabeth Bercasio, 52, na matatagpuan sa no. 7 Luzon Ave. corner Unang Hakbang St., Brgy. San Isidro, Galas.
Lumalabas sa imbestigasyon na Pebrero 29 nang upahan ng mga suspect ang isang unit sa nasabing lugar, may 42 hakbang ang layo sa target na Sunshine pawnshop.Nagbayad ng unang advance ang mga suspect ng P25,500 para sa tatlong buwan, kung saan agad na sinimulan ang paghuhukay.
Sinabi naman ni Babagay na tila wala nang kinatatakutan ang mga suspect dahil 32 hakbang lamang ang layo ng target na pawnshop sa Galas Police Station.
Mula sa nirerentahan bahay ay naghukay ang mga suspect patungo sa imburnal at mula imburnal papasok sa ilalim ng pawnshop kung saan nakapuwesto ang vault.
Pero, pagsapit sa loob ng pawnshop hindi nagawang mabuksan ng mga suspect ang vault dahil tumunog agad ang alarm system nito, at nagising ang may-ari kung saan nakita nito sa CCTV ang biglaang pagbabago ng posisyon ng camera.
Mabilis na humingi ng tulong ang may-ari ng pawnshop sa kalapit na police station at sa pagresponde ng mga pulis ay napansin nila agad ang paggalaw ng takip ng imburnal kung saan agad nila itong pinaputukan hanggang sa matimbog ang dalawang suspect.
Narekober naman sa loob ng imburnal ang humigit kumulang Php 100,000 na nakabalot sa plastic na naiwan ng mga suspect .
Sa loob ng nirentahang bahay ng mga suspect natagpuan ng mga otoridad ang malaking hukay at ang sako-sakong lupa.
Narekober din ang malaking cutter, tangke ng acetylene, lubid, bareta, hose, lagare at iba pang gamit sa paghuhukay.
Ayon sa suspect na si Paltek, naakit lamang silang sumama sa grupo dahil sa malaki umano ang inalok na kitang maibibigay sa kanila.
- Latest
- Trending