2 holdaper kinasuhan
MANILA, Philippines - Kinasuhan na sa Manila Prosecutor’s Office ang dalawang kilabot na holdaper na responsable sa serye ng panghoholdap sa mga pampasaherong jeep matapos na maaresto ng mga awtoridad kamakalawa sa Maynila.
Ayon kay Supt. Roderick Mariano, hepe ng Jose Abad Santos Police Station (PS-7), sina Jerry Win Narag, alyas Manas, 23, miyembro ng “Commando”, at Eric Espiritu, alyas “Kulangot”, 22, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik, 22; at kapwa residente ng #2637 Lico St., Tondo, Manila, ay kinasuhan ng robbery matapos na positibong ituro ng dalawa sa kanilang mga biktimang sina Anna Jamaica Trinidad, call center agent at Ronel Malinao, service crew.
Nangyari ang panghoholdap dakong alas-4:30 ng madaling-araw ng Abril 12, sa Lico St., Tondo, Maynila.
Sakay ang mga biktima ng pampasaherong jeep na may rutang Gasak-Recto at pagdating sa Severino Reyes St. ay nagdeklara ng holdap ang mga suspect at agad na nilimas ang mga gamit ng mga pasahero.
Dumulog naman sa tanggapan ng MPD-Station 7 ang mga biktima kung saan agad na inutos ni Mariano ang follow up operation kay P/Insp. Aldin Balagat, Chief, Station Reaction Unit hanggang sa madakip ang dalawa sa Lico St. dakong alas-11 ng gabi.
Tinangka pang tumakas ng mga suspect subalit agad ding nasakote ng mga awtoridad.
Lumilitaw pa na si Espiritu ay may nakabinbing warrant of arrest sa kaso din ng panghoholdap.
- Latest
- Trending