Shoot to kill order inutos vs 2 pulis
MANILA, Philippines - Nagpalabas kahapon si Manila Mayor Alfredo Lim ng “shoot to kill order” laban sa dalawang pulis na kapwa sangkot sa karumal-dumal na pamamaslang sa magkahiwalay na insidente sa Maynila.
Sa isinagawang press conference, inatasan rin ng alkalde si Manila Police District Director, Chief Supt. Alex Gutierrez na magsagawa ng manhunt laban sa dismiss police na si PO2 Rommel Fortuno, dating nakatalaga sa Caloocan City Police at residente ng no. 783 Int. 62 Raxabago St., Tondo, Manila at PO1 Fulgencio “Bong” Sideco, nakatalaga sa NCRPO, Bicutan ng No. 309 Simon St., Tondo, Manila.
“Kapag nanlaban sila, barilin sila, dahil mapanganib ang mga ito”, ani Lim.
Nabatid na pinatay ni Fortuno noong Pebrero 9, si SPO1 Rodrigo Cortez, nakatalaga sa HPG sa Camp Crame sa may Tayuman, Sta. Cruz, Maynila, matapos malaman na nobya na ng huli ang dati niyang kinakasama na si Cindy Laguardia.
Noong Abril 7, pinagbabaril rin ni Fortuno si Kim Tanyog, pinsan ni Laguardia at police asset ng MPD-hs, nang tumanggi itong ituro sa suspect ang kinaroroonan ni Laguardia.
Samantala, 12 bala ng M-16 rifle ang inubos ni Sideco, sa biktimang si Danilo Serrano, 63, noong Abril 3 sa panulukan ng Lacson at Romana Sts., sa Tondo, Maynila sa hindi malamang dahilan.
Sa kabila ng patuloy na pagtatago, ay binabantaan pa rin nito ang pamilya ni Serrano.
Ayon sa alkalde da pat na mahuli sa lalong madaling panahon ang mga pulis na wanted para di na makapambiktima.
Nabatid naman kay Homicide Section chief Joey de Ocampo, na armado si Fortuno ng 12-gauge shotgun at handgun habang M-16 rifle at .9mm pistol naman ang kay Sideco. Si Sideco ay kilalang drug addict sa kanilang lugar.
Idinagdag pa ni Gutierrez na hindi rin nakikipagtulungan sa kanila ang mga pamilya ng mga suspect.
- Latest
- Trending