Tumangay ng kutsara't tinidor, arestado

MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng isang tumador matapos arestuhin ng pulisya sa hindi pagbabayad ng kanyang mga ininom na alak at pulutan sa resto bar ay nagnakaw pa ng kutsara’t tinidor sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa himpilan ng pulisya sa Pasig City ay nakilalang si Celso Hinacay, naninirahan sa Building 4, Room 13 Tenement, San Lorenzo Ruiz BSS sa bayan ng Taytay, Rizal.

Pormal na inireklamo ang suspek ni Jennifer Jane De Dios, 33, cook  at representative ng Apong De Ups Restaurant sa C.Raymundo Avenue, Barangay Rosario, Pasig City.

Sa salaysay ni De Dios kay PO3 Eduardo Pablo ng Station Investigation and Detectice Management Branch (SIDMB), dakong alas-11:30 ng gabi inabutan niya sa loob ng restaurant ang suspek na nag-iinom at  nag-order pa ng pulutan.

Nang malango ay tumangging magbayad ang suspek ng halagang P600 kung saan tinangay pa ang kutsara‘t tinidor.

Agad naman rumes­ponde at inaresto ng pulisya ang suspek matapos makatanggap ng reklamo mula kay De Dios.

Show comments