Kasong infanticide isasampa sa nanay na pumatay sa 2 anyos na anak
MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kasong infanticide ng pulisya si Melanie Ala, 21, ang nanay na pumaslang sa kanyang dalawang taong gulang na anak sa pamamagitan ng pananakal nitong Sabado de Gloria sa lungsod Quezon.
Ayon kay SPO2 Johnny Mahilum ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, labis na problema sa buhay, ang posibleng ugat ng pagpatay ni Ala sa anak na si Prince Louis Laguitan.
Nangyari ang insidente sa pagitan ng alas 4 ng madaling-araw hanggang alas 8 ng umaga ng Sabado de Gloria matapos na matagpuan ng kaanak na si Edith Garalde ang bata na wala ng buhay habang nakabalot sa banig na plastic sa loob ng nasabing bahay.
Nabatid na Marso 26, 2012 nang unang dumating sa kanyang bahay sa Commonwealth si Ala kasama ang dalawa nitong anak matapos na magtalo ng kanyang live-in partner na si Lawrence Laguitan. Makaraan ang dalawang araw, sinamahan ito ng kaibigang si Lydia Arpon pabalik sa Pampanga, hanggang nitong Abril 2 nang bumalik si Ala pero kasama na lamang si Prince Louis at umiiyak.
Dito ay nagsabi umano ni Ala kay Arpon ng katagang “hindi ko na talaga matiis ang pang-aapi at pang-aabuso sa akin ng biyenan at hipag ko.”
Sinasabing simula noon ay nakitaan na ng kakaiba sa kinikilos at ugali ni Ala at madalas na may hawak ng bibliya habang minamasdan ang kanyang anak na si Prince Louis.
At nitong Sabado de Gloria, ayon naman kay Garalde, bago siya pumunta sa chapel ay nakita niya si Ala na umiiyak habang may hawak ng bibliya at nakatingin sa kanyang anak na natutulog sa sala.
Makalipas ang ilang oras, pagbalik ni Garalde, ay saka napuna ang bata na nakabalot na sa banig at wala ng buhay. Nang tanungin umano ni Garalde si Ala kung ano ang nangyari sumagot umano ito ng “Misyon ko ito para sa lahat.”
Dahil dito, agad na humingi ng tulong si Garalde sa barangay at dinala si Ala sa Quezon City General para matignan sa kanyang pag-iisip bago dinala sa himpilan ng pulisya hanggang sa QCPD-CIDU kung saan ito ngayon nakapiit habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.
- Latest
- Trending