MANILA, Philippines -Patay ang sinasabing kaskaserong driver matapos sumalpok sa minamanehong van sa bakal na railing sa kahabaan ng South Luzon Expressway sa Muntinlupa City kamakalawa ng umaga.
Idineklarang patay sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Jick Jick Cabatingan ng Magnolia St. sa Camella Homes, Brgy. Don Bosco, Parañaque City.
Sa imbestigasyon nina PO3 Jumar Virgilio Tira at PO2 Alex Ronda ng Muntinlupa City PNP, naganap ang insidente dakong alas-6:10 ng umaga sa South bound ng Sitio Fantastic, West Service Road ng SLEx, Muntinlupa City.
Lumilitaw na minamaneho ng biktima ang Kia Besta van (PTJ-488) nang hindi nakontrol ang kanyang manibela matapos magpreno dahil sa masyadong mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan.
Sumalpok ang van sa bakal na railing ng SLEx kung saan bumaliktad ito at tumilapon ang biktima sa layong 20 metro mula sa sasakyan.
Kaagad na isinugod ang biktima ng rescue team ng Muntinlupa City sa nasabing ospital subalit hindi na umabot ng buhay.