Sanggol natusta sa sunog
MANILA, Philippines - Isang 1-taong gulang na sanggol na babae ang natusta habang dalawang iba pa ang nasugatan sa sunog na tumupok sa kanilang tahanan at may siyam pang kabahayan sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Mistulang uling na nang matagpuan ang bangkay ni Daniela Sales Lascunaz, 1, ng Block 38, Patola St., Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan dahil sa labis na pagkasunog na tinamo nito.
Nagtamo naman ng second degree burns sa katawan ang kapatid ni Daniella na si Benjerick, 2, na nilalapatan ng lunas sa Mandaluyong Medical Center habang isinugod din sa pagamutan ang isang Arnel Nuñez, 30, na nabagsakan ng mga nag-aapoy na debris.
Batay sa ulat ni Fire Inspector Francia Embalsado, hepe ng Arson Investigation Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP), lumilitaw na nagsimula ang sunog dakong alas-10:00 ng gabi sa 2nd floor ng bahay ng pamilya ng biktima.
Hinala ng pulisya na isang napabayaang kandila ang naging dahilan ng sunog dahil naputulan umano ng kuryente ang bahay ng pamilya.
Mabilis namang kumalat ang apoy na tumupok sa may siyam pang kabahayan.
Dakong alas-11:00 ng gabi nang tuluyang maapula ng mga rumespondeng bumbero ang apoy na umabot sa ikalimang alarma.
Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog at may 15 pamilya ang nawalan ng tahanan.
- Latest
- Trending

















