'Tulak' itinumba ng Partisano

MANILA, Philippines - Isang hinihinalang ‘tulak’ ng droga ang nasawi matapos itong pagbabarilin ng isa sa apat na kalalakihan na nagpa­kilalang miyembro ng Partisano habang ang una ay nagka­kape sa Malabon City kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala sa ulo at tenga si Jaytee Ryan Yu, 28, ng Dulong Disierto, Brgy. Tañong ng nabanggit na lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng umaga habang nagkakape malapit sa kanyang bahay ang biktima nang lapitan ng dalawa sa apat na suspek.

Isa sa mga suspek ang agad na bumaril sa biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang insidente ay nag-iwan ng pulyetos ang mga suspek na nakasaad ang “Partisano wakasan ang shabu tiange sa Malabon” kung saan nakapirma ang isang Carlos Alejandro, kumander ng Central Luzon bago nagsitakas.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente.

Show comments