Chemical leak sa Pasig
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nagtamo ng mga paso sa katawan makaraan ang pagtagas ng kemikal sa isang pabrika ng candy sa Pasig City nitong Linggo ng gabi.
Sa inisyal na ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), unang na-monitor dakong alas-6 kamakalawa ng gabi ang tagas ng kemikal na “ammonia” sa Polar Bear Plant sa may Amang Rodriguez, Brgy. Manggahan ng naturang lungsod.
Nagtamo ng mga 1st degree burn ang 34-anyos na si Johnny Rey Abaco, ng Marikina City at si Celetonio Tamayo, empleyado ng pabrika habang nagsikip din ang paghinga ng 14-anyos na si Cherry Pearl Academia na nilapatan ng paunang lunas at pinauwi rin kinalaunan.
Nilinaw ni Pasig City Command Center Supervisor Simeon Sombrero na walang pagsabog na naganap kundi pagsingaw lamang sa naturang pabrika. Agad namang kinordon ang naturang lugar at hindi na pinadaanan ng mga motorista sa kalsadang katapat ng planta habang patuloy ang ginagawang inspeksyon ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan at ng NDRRMC.
Kinastigo naman ng grupong EcoWaste Coalition ang pamahalaang nasyunal at ang pamahalaang lokal ng Pasig City dahil sa kawalan ng umano’y tamang “Chemical Accident Prevention and Preparedness Policy.
- Latest
- Trending