MMDA nagpakalat ng mobile metrobase

MANILA, Philippines - Makaraang mapulaan na nag-uulat ng mga hindi­ totoong traffic update, nagpakalat ng kanilang mga mobile command and communications van ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pupuno sa mga lugar na dead spot sa kanilang monitoring cameras.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang paglalagay umano ng kanilang mobile metrobase ay upang ma-monitor na nila ang mga lugar na walang closed circuit television (CCTV) cameras na siyang inirereklamo sa ahensya sa kanilang mga traffic updates.

Matatandaan na binatikos ang MMDA sa pagpa­palabas nila ng traffic update na ma­luwag ang kahabaan ng EDSA mula Monumento hanggang Balintawak ngunit habang inihahayag ito ay naiipit sa matinding buhol na trapiko ang radio announcer na pumuna sa maling report ng ahensya.

Ngayong Semana Santa­, ikakalat ang mga Mobile Metrobase sa lahat ng istratehikong exit points ng Metro Manila upang mamonitor ang biyahe patungo sa mga lalawigan.

Dito muling gumastos ang MMDA ng pondo sa ikinalat na “converted” Hyun­dai Starex van na ginawang “mobile centers” na ipinagmalaki ni Tolentino na nag­lalaman ng apat na CCTV monitors at ca­mera sa bubungan. Maaari umano itong mag-rekord at mag-relay ng video footages sa pamamagitan ng Wi-fi sa MMDA Command Center sa Makati City.

Show comments