Shootout: 2 hijackers bulagta
MANILA, Philippines - Patay ang dalawang hinihinalang mga hijacker na nagtangkang tumangay sa isang delivery van ng isang remittance company makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Inisyal na nakilala ang mga napaslang na suspek na sina Ronald Impante, 33, ng Sta. Cruz, Maynila at Genny Alamon, 35, ng Caloocan City.
Sa ulat ng Southern Police District-Public Information Office, naganap ang barilan dakong alas-9 ng gabi sa South Superhighway sa kanto ng Lacuna St., ng naturang lungsod.
Ayon sa driver ng delivery van ng LBC na humiling na itago ang pangalan, nag-cut sa kanyang daanan ang dalawang armadong suspek na sakay ng isang motorsiklo at saka siya tinutukan ng baril. Sa kabila nito, binangga ng driver ang motor ng dalawang suspek saka pinaharurot ang van.
Hinabol naman ang van ng mga hijacker kaya nagdesisyon ang driver ng van na tumawid sa center island kung saan nakuha naman nito ang atensyon ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Police Community Precinct 3 ng Makati City Police.
Dito hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa masukol ang mga ito. Pinaputukan umano ng mga salarin ang mga humahabol na alagad ng batas na gumanti naman ng putok sanhi ng pagkamatay ng dalawang suspek.
Nakuha sa posesyon ng mga nasawing suspek ang isang cal. 40 baril at isang .9 millimeter pistol at ilang identification cards. Nakumpiska rin ang motorsiklong gamit ng mga salarin.
- Latest
- Trending