Inside job sinisilip sa Galleria holdup
MANILA, Philippines - Sinisilip ngayon ng mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng anggulo ng ‘inside job’ at ang posibilidad ng sabwatan sa madugong robbery/holdup sa isang money changer sa Robinson’s Galleria mall sa Quezon City na ikinasawi ng isang sekyu habang anim pa ang nasugatan noong Huwebes.
Kasabay nito, isinuhestiyon ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na nararapat nang buhayin ang ‘death penalty’ lalo pa’t walang pakundangan nang pumapatay ang mga kriminal na tila walang takot sa batas.
“Palagay ko, napapanahon nang ibalik ang death penalty. Sumosobra na ang mga criminal elements, wala silang pakundangan sa buhay ng tao,nagiging bold at aggressive. I think there is a need to reconsider,” ani Bartolome na sinabing hindi rin takot na mamatay ang naturang mga kriminal at tiniyak na hindi titigil ang mga pulis hanggang hindi napapanagot sa batas ang mga sangkot sa naturang mall robbery.
Sa nasabing insidente ng panghoholdap na naganap dakong alas-10:15 ng umaga sa Level 1 A ng Robinson’s Galleria ay nasawi ang security guard ng armored van ng Security Bank na si Rodrigo Villa na magde-deliver sana ng pera sa Sanry’s Money Changer na nasa unang palapag ng mall.
Nasa kritikal na kondisyon naman ang isa pang sekyu na si Roderick Reloso habang sugatan din ang mga shoppers na sina Paul Adrian, Johansen Donesia, Rabe Jeremy gayundin ang teller ng bangko na sina Leah del Mundo at Mangatura; pawang isinugod sa Medical City at Rizal Medical Center.
Ayon kay Bartolome, hawak na ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Robinson’s Galleria sa pamumuno ni Quezon City Police Director Chief Supt. Mario de la Vega, ang CCTV na masusing sinusuri ng mga ito upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga salarin na motorcycle riding-in-tandem na nakasuot ng unipormeng asul ng mga guwardiya.
Iniimbestigahan din ang posibleng inside job at sabwatan sa insidente lalo na kung paano nagawang makapagpasok ng mga armas at granada ng mga suspek sa loob ng mall nang hindi namamalayan ng mga guwardiya.
Samantala, sa inisyal na pagsusuri sa CCTV footage ay hindi nakita na pumasok sa entrance ng mall ang mga suspek na indikasyon na nagpalit pa ang mga ito ng damit bago lumabas at maaari rin namang dumaan sa ‘blindspot’ ng CCTV cameras.
Ipinasusuri na rin ni Bartolome kung sapat ang ipinatutupad na seguridad sa mall dahil ang mga ito ang mga guwardiyang empleyado dito ang may hurisdiksyong sumuri sa mga taong pumapasok sa establisimento kung saan ay makikipagpulong siya sa mga security supervisor at may-ari ng mga malls.
- Latest
- Trending