Chairman Tolentino kinasuhan ng outdoor advertisers
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal sa Makati Prosecutor’s Office ng isang grupo ng outdoor advertisers si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino dahil sa umano’y iligal na pagbabaklas ng mga billboards ng ahensya.
Kasong paglabag sa Article 239 ng Revised Penal Code o “Usurpation of Legislative Powers” ang isinampa ni Atty. Troy Banez, abogado ng Outdoor Media Advocacy Group (OMAG) laban kay Tolentino.
Nag-ugat ang kaso sa pinirmahang “memorandum of agreement” ng MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Ginamit umano ng MMDA ang naturang MOA para ipatupad ang mga nilalaman ng Building Code of the Philippines na nagresulta sa pagbabaklas ng ahensya ng mga billboards nitong 2011.
Iginiit ni Banez na walang karapatan ang MMDA pati na si Tolentino na gamitin ang naturang memorandum para gawin ang trabaho na dapat ang DPWH ang nagsasagawa.
Una nang iginiit ng OMAG na hindi ang mga billboards ang pangunahing sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila. Mas dapat umanong sisihin dito ang dumaraming sasakyan, sira-sirang mga traffic lights, barumbadong mga drivers, walang kaalaman at tatamad-tamad ng mga traffic enforcers at mga sira-sirang kalsada.
- Latest
- Trending