Janitor todas, ama sugatan sa pamamaril ng tanod
MANILA, Philippines - Isang janitor ang patay habang sugatan naman ang tatay nito makaraang pagbabarilin ng umano’y barangay tanod sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Stilo Mark delos Santos, 24, habang nagtamo naman ng tama ng bala sa kaliwang tuhod ang kanyang amang si Larry, 54, at agad na nilapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, nadakip na nila ang suspect na si Noel Papango, 48, miyembro ng Barangay Public Safety Officer (BPSO) sa lugar matapos na ituro ni Larry na siyang bumaril sa kanya. Hindi naman narekober ng awtoridad ang baril na ginamit ni Papango laban kay Larry.
Nangyari ang insidente ganap na alas-10:45 ng gabi malapit sa bahay ng mga biktima sa Kasayahan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay Larry, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng mga putok ng baril at sabihan ng isang kapitbahay na binaril ang kanyang anak na si Stilo.
Dahil dito, agad na lumabas si Larry para tingnan ang anak, pero habang tumatakbo papunta sa lugar ay bigla umano siyang binaril ni Papango ng walang dahilan.
Nagawa pang maitakbo ang batang Delos Santos kasama ang tatay nito sa EAMC ngunit idineklara ring patay ang una.
Katwiran naman ni Papango, kasama niya ang iba pang miyembro ng BPSO sa crime scene bilang tugon sa report na natanggap hinggil sa nangyaring pamamaril sa lugar. Sa pag-aakalang si Larry ang suspect ay binaril niya ito at tinamaan sa paa.
Pero ayon kay Capili, sasampahan nila ng kasong murder at frustrated murder si Papango.
- Latest
- Trending