Bukas kotse gang naaktuhan, dedo nang manlaban

MANILA, Philippines - Dedo ang isang hindi pa nakikilalang miyembro ng ‘Bukas kotse gang’ nang sitahin sa aktong binubuksan ang isang nakaparadang kotse sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Senior Insp. Joselito de Ocampo, ng Manila Police District-Homicide Section ang nasawing suspect ay tinatayang nasa edad 30-35, may taas 5’6’’-5’8’’, at may balbas.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Charles Duran­, ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas-4:30 hanggang alas-5:00 ng umaga sa harap ng bahay ng biktimang si Michael Tumambing, sa Estrada St. corner Singalong St., Malate.

Nalaman na nagpapatrulya umano ang mga elemento ng MPD-PS-9 nang maaktuhan nilang puwersahang binubuksan ng suspect ang kulay maroon na Honda car (TDO-250) na pag-aari ni Tumambing.

Sinita ito ng mga pulis subalit imbes na sumuko ay nagbunot pa ito ng baril at pina­putukan ang papalapit na awtoridad.

Dito na gumanti ng putok ang pulis na ikinasawi ng nasabing suspect.

Narekober sa suspek ang isang .38 kalibre ng baril, itim na bag may lamang martilyo, gunting­ at pliers.

Show comments