Walang mapasukang trabaho, dating sales lady nagbigti
MANILA, Philippines - Sinasabing ang kawalan ng mapapasukang trabaho ang nagtulak sa isang dating sales lady upang wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan nang pagbibigti sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Mary Joy Jeresano, 25, dalaga, tubong Palawan at pansamantalang naninirahan sa Evangelista St., Brgy. Pleasant Hills, Mandaluyong City.
Sa inisyal na ulat ni PO2 Donald Bañes, ng Mandaluyong City Police Criminal Investigation Unit (CIU), dakong alas-7:00 ng gabi nang madiskubre ang pagpapatiwakal ng biktima sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon sa pulisya, isang bathrobe belt na itinali nito sa beam ng kanilang bahay ang ginamit ng biktima sa pagbibigti.
Bago ang insidente, sinabi sa pulisya ni Mary Rose, pinsan ng biktima at kasama sa bahay na hindi niya napansing may planong kakaiba ang kanyang pinsan dahil magkasama pa umano sila dakong alas-4:00 ng hapon at masayang nagkukuwentuhan.
Naniniwala naman si Mary Rose na posibleng ang kawalan ng trabaho ang dahilan kung bakit nagawa ng biktima na magpakamatay.
Gayunman, sa kabila nito, iniimbestigahan pa ng pulisya kung posibleng may foul play sa insidente.
- Latest
- Trending