Karpintero niresbakan, tinuluyan ng kaaway
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang niresbakan upang tuluyang patayin kahapon ng madaling araw ang isang-39 anyos na karpintero na binaril ng dalawang hindi pa kilalang lalaki, ilang araw ang lumipas matapos itong makaligtas sa kamatayan nang pagsasaksakin sa tiyan at batok sa Quiapo, Maynila.
Isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC), ang biktimang si Danny Camsalim, nakatira sa squatter area sa Arlegui bridge sa Quiapo subalit agad ding nalagutan ng hininga dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala- 1:00 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa tulay ng Arlegui sa tapat ng Manuel L. Quezon University sa Arlegui St.
May teorya ang pulisya na binalikan ang biktima ng mga nakaaway nito. Ilang araw pa lamang ay sinaksak ang biktima pero nakaligtas sa tiyak na kamatayan. Posible umanong pakay talaga ng mga suspect ang buhay nito kaya isinagawa ang resbak at siniguro sa ikalawang pagkakataon na ito ay matutuluyan. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest
- Trending