Dentista patay sa holdap ng 4 na rider
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 45-anyos na dentista na foreign exchange operator din nang tambangan ng apat na armadong kalalakihang sakay ng kaniya-kaniyang motorsiklo, habang nakaligtas naman ang misis at anak nito, kung saan natangay naman ang may P1-milyong halaga ng pera at iba pang kagamitan na nakasilid sa isang bag sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si Adonis Mendiola Peren, ng Peren Money changer sa Rizal St., Lemery Batangas at residente ng Carmero Subdivision, Lemery, Batangas.
Nasa ligtas na kalagayan na ang misis nitong si Jeanette, 37; at anak na si Jed, 11.
Ayon kay De Ocampo, hindi pa nila hawak ang kopya ng kuha ng closed circuit television (CCTV) sa insidente na maaaring pagbatayan sa imbestigasyon at pagdakip sa mga suspect.
Dakong alas -8:00 ng gabi ng maganap ang insidente sa San Marcelino St. at Quirino Avenue, sa Ermita, Maynila.
Nabatid na alas-3:00 ng hapon nang dumating ang mag-anak sa Maynila sakay ng kanilang Honda CRV (NKI-368) para magpalit ng malaking halaga ng dolyar sa Nikko Money Changer. Matapos makapagpalit habang tinatahak umano ang San Marcelino St. ay biglang sumulpot ang 2 suspect na sakay ng tig-isang motorsiklo at pinaputukan ang gulong ng sasakyan ng mag-anak na sa kabila ng sadsad na gulong ay nagawa pang itakbo ng biktima sa west side portion ng Quirino Avenue subalit nakorner sila ng dalawa at dalawa pang armado rin na nakamotorsiklong mga suspect.
Agad na binaril ang nagmamanehong si Adonis at ang isa ay kinuha naman ang pink na bag na may lamang isang milyon cash, cellphone na may halagang P45-libo at dalawang credit cards. Nakatalon palabas ng sasakyan ang misis niya na dala ang bag na naglalaman naman ng pinapalit na P3.8 milyong cash at ang anak na nasa back seat ay hindi naman sinaktan.
Sa tulong ng mga nakasaksi dinala ang biktima sa Ospital ng Maynila kung saan idineklarang patay.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente. Nabatid na may 14 na taon nang nagpapatakbo ng money changer sa Batangas ang mag-asawa at dentista ang propesyon ng nasawi.
- Latest
- Trending