Tandem na holdaper, bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Patay ang riding-in-tandem na umano’y mga holdaper nang makaengkwentro ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 5, matapos holdapin ang isang babae sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi. Inilarawan ang isa sa mga suspect sa edad na 20-25 , may taas na 5’4’’-5’6’’, payat, nakasuot ng itim na jacket, blue na short pants, itim na helmet at may tattoo ng Commando sa kaliwang hita, habang ang isa pang suspect ay may edad na 40-45 anyos, may taas na 5’6’’-5’7’’, malaki ang pangangatawan, nakasuot ng kupas na gray t-shirt, maong short pants, brown na tsinelas, itim na bonnet at blue na helmet at may tattoo na sputnik sa kanang bahagi ng katawan.

Sa report ni PO3 Glenzor Vallejo ng MPD-Homicide Section, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang engkwentro malapit sa LRT Station sa President Quirino Ave., Malate, Maynila. Sinabi ng biktimang si Melrose Cuadra, 25, nakatayo siya sa nasabing lugar habang hinihintay ang isang kaibigan nang hintuan siya ng isang Honda motorcycle (3945 PC) na dito, lulan ang mga suspect kung saan agad siyang tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap. Mabilis ding hinablot ng mga suspect ang dala niyang bag na naglalaman ng P3,500 cash, isang N95 na cellphone at iba pang mahahalagang gamit.

Tiyempo namang nagpapatrulya sa lugar ang MPD-Anti- Crime ng Station 5 na hiningan ng saklolo ng biktima at agad na hinabol ang dalawang suspect. Dito na nagsimula ang pagpapa­litan ng putok ng magkabilang panig at nang tumigil ang putukan ay doon na bumulagta ang dalawang suspect.

Narekober sa mga suspect ang isang kalibre .22 at kalibre .38 baril at mga bala maging ang mga natangay kay Cuadra ay nabawi rin.

Show comments