MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Caloocan City Fire Station bunga ng 80 oras na sunog na tumupok sa Ever Gotesco Grand Central Mall kamakailan.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Jesse Robredo, si Chief Insp. Oscar de Asis ay inalis sa puwesto bilang tugon sa panawagan ng mga tenants ng mall dahil sa alegasyong rumesponde ito sa sunog na nasa impluwensya ng alak.
Bukod dito, nakita rin umano si De Asis kasama ang tauhan na nag-iinuman umano sa isang bar sa 10th Avenue bago magsimula ang sunog.
Gayunman, itinanggi ni De Asis ang alegasyon sa pagsasabing plano lamang ito ng ibang opisyal na nagnanais na maupo sa kanyang puwesto.
Sinabi ni Robredo na hiniling niya kay de Asis na pansamantalang magbakasyon habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pinakamahabang sunog na naganap sa Metro Manila.
Alas-7 ng gabi nitong Martes nang ideklarang fire out ang sunog sa naturang mall, matapos na magsimula itong tupukin noong Biyernes ng gabi.