Bagong modus lumalaganap

MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng isang hukom ang publiko hinggil sa bagong modus operandi ng panloloko ng ilang miyembro ng hinihinalang sindikato na gumagamit pa sa pangalan ng ilang judges, abogado at sheriff para lamang makapangulimbat ng pera at iba pang ari-arian sa sinumang kanilang mabibiktima.

Nabatid na isa sa nais sanang biktimahin ng mga ito ay ang isang empleyada ng Pilipino Star Ngayon (PSN), mabuti na lamang at hindi agad bumigay ang nasabing empleyada kaya nabigo ang planong pangungurakot sana ng grupo ng mga kawatan.

Ayon sa empleyada ng PSN na humiling na huwag nang ihayag ang kanyang pangalan, isang nagpakilalang Lt. Galvez na empleyado umano ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 72, ang tumawag sa kanilang barangay at ipinaalam na ise-sheriff ang kanyang nabiling bahay sa Malabon.

Ikinagulat ito ng PSN employee dahil dalawang taon na siyang nakatira sa bahay na nabili niya at wala namang naging problema kaya agad nitong tinawagan ang numerong iniwan sa barangay ng nagpakilalang Lt. Galvez na 4892452 na opisina umano ni Judge Casihan Dumlao ng Pasig RTC Branch 72.

Pagkatawag ng PSN employee sa nasabing number ay nakausap nito ang isang nagpakilalang Atty. Belo at ayon dito ay kailangan umanong bakantehin ang bahay na nabili ng empleyada dahil umano sa pagkakautang ng dating may-ari ng nasabing bahay.

Agad namang nagtungo at gumawa ng beripikasyon ang sumulat nito sa tanggapan ni Judge Dumlao at doon natuklasan na pang-apat na ang PSN employee sa mga taong bibiktimahin sana ng mga miyembro ng sindikato.

“Sindikato po iyan, pang-apat na kayo sa mga nagtungo rito, ang isa ay taga-Cavite pa at ang isa ay empleyado ng banko,” ayon sa clerk of court ni Judge Dumlao.

Sinabi naman ni Judge Dumlao na wala silang empleyado na ang pangalan ay Lt. Galvez at Atty. Belo at lalong wala siyang ipinalalabas na ‘notice of ejectment’ sa Malabon.

Payo pa ni Judge Dumlao na ipaaresto ang mga taong guma­gamit ng kanyang pangalan sa masamang paraan.

Show comments