Bagong silang na sanggol, itinapon, isinabit ng ina sa puno
MANILA, Philippines - Isang kasisilang lamang na sanggol na babae ang natagpuan ng isang vendor habang nakasabit sa anim na talampakang taas na puno sa Brgy. Teachers Village East sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Roddie Santiago, barangay kagawad sa barangay, isang tindera na nakilalang si Aling Ronalyn ang nakakita sa nasabing sanggol habang nakasilid sa isang kulay green na ecobag at nakasabit sa naturang puno sa may Matimtiman St., ganap na alas-3 ng hapon.
May umbilical cord pa ang tiyan ng bata, habang nakasupot din ang placenta nito na indikasyon na kasisilang lang nito nang itapon ng kanyang ina.
Sinasabing natagpuan ng tindera ang sanggol habang naglalakad ito sa nasabing kalye at biglang may pumalahaw ng iyak buhat sa itaas ng puno. Unang inakala ni Aling Rosalyn na pusa lamang ang umiiyak, pero nang kanyang tingnan ang supot ay saka nakumpirma ang sanggol, kaya agad na dinala ito sa himpilan ng barangay.
Mabilis namang itinakbo ang bata sa East Avenue Medical Center kung saan ito ngayon binibigyan ng medikal na atensyon.
Ayon pa kay Santiago, posibleng gustong buhayin ng ina nito ang bata dahil ang pinaglagyan na supot nito ay matibay saka inilayo sa taong maaaring mag-akalang basura ito. Ang problema anya ay maaaring hindi kaya ng ina ang bata na buhayin kung kaya niya ito itinapon. Hinahanap na ang ina ng sanggol na hinihinalang nasa nasabi ring lugar.
- Latest
- Trending