MANILA, Philippines - Sapilitang pinalilikas ang mga residenteng nakapalibot at malapit sa Ever Gotesco Grand Central sa Caloocan City dahil sa patuloy na pagliyab nito na inulat kahapon ng umaga.
Nabatid kay Supt. Oscar de Asis, Fire Marshall ng Caloocan City Bureau of Fire Protection, posibleng bumigay ang fire wall ng nasabing mall kung kaya kailangan nang ilikas ang mga naninirahan sa paligid at malapit dito upang higit na maiwasan ang mas malala pang sakuna.
Nanatiling under control ang sunog subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naapula ang apoy.
Nagrereklamo na ang ilang bumbero dahil sa hindi sila pinapayagang makapasok sa loob na nagiging dahilan upang magtagal ang sunog.
Pinasisiyasat naman ng DILG sa kagawaran ng Bureau of Fire Protection ang hepe ng Caloocan Fire Department upang mabatid kung bakit bigo itong maapula agad ang mahigit 50-oras na sunog.
Matatandaang dakong alas-10:30 ng gabi noong Biyernes nang magsimulang masunog ang Ever Gotesco Grand Central, na matatagpuan sa Rizal Avenue Ext., ng nabanggit na lungsod. Sa kabila ng insidente ay patuloy pa rin ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT 1) sa Monumento Station kahit nagliliyab pa rin ang nabanggit na mall.
Nauna na itong nasunog noong Oktubre 24, 1991.