Ginang nagbigti dahil sa kahirapan

MANILA, Philippines - Hindi na kinaya pa ng isang ginang ang kahirapan buhay kung kaya’t ipinasya na nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa kanyang bahay sa Parola Compound, Tondo,  Maynila, kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Manila  Police District Homicide Section, dakong alas 8:20 ng umaga kahapon nang umuwi sa kanilang tinutuluyang kuwarto si Ernesto Vecina at nasorpresa sa nakitang walang buhay at nakabitin ng nylon cord ang live-in partner na si Nerissa Roldan, 37, ng Area A Gate 3, Parola Compound.

“Wala naman akong alam  na dahilan  para magpakamatay siya,”ayon kay Vecina na isang kuliglig driver.

Nabatid na parehong mga hiwalay sa kanilang mga asawa sina Roldan at Vecina at ngayon ay masayang nagsasama.

Sa kabila nito aminado si Vecina na pinoproblema ni Roldan ang hindi mabayarang renta sa bahay na umaabot na sa tatlong buwan.

Nabatid kay Vecina, iniwan lamang nito sandali ang kanyang ka-live-in para pumasada para may pambili ng almusal.

Show comments