MANILA, Philippines - Patay ang pangulo ng isang kooperatiba nang pagbabarilin ito ng tatlong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng Armadong Operatiba ng Partido Marxista-Lenista ng Pilipinas na iniulat kahapon sa Valenzuela City.
Dead-on-arrival sa Fatima Medical Center ang biktimang si Diego Gayas Jr., 42, president ng Aces Code 1, Multi-Purpose Cooperative and Home Owners Association at nakatira sa Block 11, Lot 22, Aces Code Subdivision, Bgy. Ugong ng nasabing siyudad. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa ulo buhat sa cal. 45 pistol.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Valenzuela City Police at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong suspect.
Ayon sa report na nakuha sa Station Investigation Division (SID), Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga, malapit sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nakikipag-usap ang biktima sa ilang kapitbahay nang biglang dumating ang tatlong suspect na armado ng baril.
Walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima at nang matiyak ng mga suspect na hindi na mabubuhay ang una ay saka lamang itinigil ang pagpapaputok at sabay sumigaw ang isa sa mga salarin na “mabuhay partisano”.
Dahil dito, may hinala ang pulisya na miyembro ng partisano ang mga suspect.
Matapos isagawa ang pamamaril ay pinadapa ng mga suspect ang dalawang kapitbahay na kausap ng biktima at dali-daling nagsitakas ang mga ito.